Friday, November 4, 2011

MAY KASAMA SI MARCELITO POMOY

Young Marcelito in a scene from MMK's Balot episode
(Photo from the Internet)

Bago ko narinig ang tungkol sa kakaiba at nakamamanghang talento ni Marcelito Pomoy, ang madalas kong pinapanood sa youtube ay si Lani Misalucha kung saan ginagaya niya ang boses at pagkanta ng ating mga local divas. Aliw na aliw ako sa pag-i-impersonate ni Lani at manghang-mangha ako kung papaano niya iyon nagagawa.


Lani Misalucha in her Diva's Medley
(Video uploaded by mo94572 on youtube.com)


Nang minsang dinala ko sa office ang aking laptop at pinanood ko si Lani sa kanyang pag-i-impersonate, nakita ako ni Myrna, isang ka-opisina, at binanggit niya sa akin ang tungkol sa kakaibang galing ni Marcelito. Pati raw boses-matanda kuhang-kuha niya.

Nang mapanood ko nga si Marcelito sa KrisTV, labis akong na-impress sa performance niya na siyang naging dahilan kung bakit palagian ko na siyang hinahanap sa youtube.com. Maliban kay Vincent Bueno na labis ko ring hinahangaan at kinalulugdan, wala pa akong pinanood nang ganoon katagal sa youtube. My God! Twenty-four long hours non-stop watching of Marcelito’s videos—paulit-ulit! Nakaka-addict talaga!

But what really affected me most was Marcelito’s own life story. Sa totoo lang, masakit sa dibdib! Parang gustong maghimagsik ng aking kalooban sa bahagi ng Maalaala Mo Kaya (“Balot”) kung saan ipinakita ang batang Marcelito na natutulog sa madilim na bangketa habang malakas na bumubuhos ang ulan.

Lumaki siyang hindi kilala ang tunay na pamilya. Hindi ba siya nagkasakit o nilagnat man lamang noong panahong iyon ng kanyang kabataan? Kangino kaya siya naglalambing kapag masakit ang kanyang ulo o masama ang kanyang pakiramdam? Kung araw ng Pasko, ano’ng nadarama niya? Kangino siya nakikipagsalu-salo tuwing noche buena? O alam kaya niya kung ano ito? At kung alam man niya, nagkaroon kaya ng kahulugan o kabuluhan sa kanya ang mga salitang ito?

Kung siya’y inaapi ng kalaro o kapuwa-bata niya, kangino siya tumatakbo para magsumbong? Sino kaya ang nagtatanggol sa kanya? O naranasan pa kaya niya ang paglalaro gayong walang sumusuporta sa kanya at kinakailangan nang magtrabaho para kumita?

I have great compassion for Marcelito—if only because his life story almost runs parallel to mine. Parang nakita ko ang isang bahagi ng aking buhay at pagkatao sa kuwento ng kanyang buhay.

Naging pin boy si Marcelito sa Estrella Bowling Alley sa Bislig City. Naging pin boy rin ako sa Torres Bowling and Billiard Hall sa amin sa Gapan City noong ito ay operational pa. Nagtinda siya ng ice cream. Ako nama’y nagtinda ng ice drop. Nagtinda siya ng balot. Hindi man ako nagtinda ng balot, nagtinda naman ako ng sweepstakes ticket, ng nilagang mais, at ng kung anu-ano pa.

Kung anu-anong odd jobs ang kanyang pinasukan at ginampanan—nag-poultry boy, sa piggery, sa construction, pati pagtawag ng pasahero ng jeep, pinatulan din. Ako ma’y kung anu-anong mean and manual work ang ginawa—nagbuhat ng saku-sakong ipa (rice husk), hinahabol at sinasampa ang mga pampasahereong bus upang mag-alok ng tindang sigarilyo, at tumulong pati na sa paglalabada ng aking ina.

Hindi matandaan ng mga magulang ni Marcelito kung kailan siya ipinanganak. Hindi ko rin alam ang tunay na birth date ko. Noong una, ang sabi ng Inang ko, March 7 daw. Tapos, March 2 raw. Marcelito settled for September 22 while I settled for April 10.

At mayroon pa, pinaluhod si Marcelito sa asin dahil sa pagkakasalang nagawa niya. Ako nama'y sa munggo pinaluhod dahil sa kagagawan ng ina (o tiyahin ba iyon?) ng isang grade school teacher na nagsumbong ng kasinungalingan sa mga magulang ko.

Ano pa’t dahil kay Marcelito, nalama’t nadama ko na hindi pala ako nag-iisa. At nais ko ring ipaalam kay Marcelito na hindi rin siya nag-iisa sa sinapit na kapalaran noong kabataan niya. Huwag na siyang magtampo sa mundo dahil may kasama siya—ako!

Goddy on board Sajorda River Resort's Floating Restaurant

No comments:

Post a Comment