Pitumpu't tatlong taon na ako at sa edad kong ito, marami na akong nasaksihan at naranasang bagyong dumating... at umalis.
Oo, mga bagyong iba't iba ang lakas; nagsidating ngunit nagsi-alis din. Walang nanatili isa man. Sapagkat muling sumikat ang araw at gumanda ang panahon.
Ganoon din sa ating buhay. Maraming mga suliraning dumarating na animo unos kung magpahirap sa ating isipa't kalooban. Subalit hindi nagtatagal, nalulutas din natin. Kung hindi man nalutas, nalimutan din o basta na lamang nawala at lumipas.
Kaya't hindi tayo dapat nababalisa kapag nahaharap sa mabibigat na pagsubok. Hindi dapat iyong animo ninanamnam pa nating mabuti ang bawat sandaling inilalagi sa atin ng mga problema. Sapagkat tulad sa dilim ng gabi, sa ayaw natin at sa gusto, lilipas din ang mga iyan. Magliliwanag na muli.
Sa mga sandaling nagsusungit ang kalikasan, sapat na ang sumilong at magkubli upang makaiwas sa pinsalang maaaring idulot nito sa atin. Matiyaga nating hintayin ang kusang pag-alis nito. Iwasan natin ang labis na pag-aalala at pagkabalisa sapagkat maaaring hindi ito makabuti sa atin.
Ang pagkabalisa tulad ng iba pang mga negatibong kaisipan at damdamin ay maaaring makaapekto sa ating kalusugan. May mga internal organs tayong maaaring mapinsala dahil sa matinding negatibong emosyon tulad ng galit, sama ng loob, takot, matinding lungkot, panaghoy, at iba pang tulad nila. May mga pagkakataon ding nagiging sanhi ito ng pagtaas ng blood pressure, blood sugar, at maging atake sa puso. Kaya't nararapat lang na iwasan natin ang pagkabagabag o pagkabalisa. Wala itong mabuting maidudulot sa atin.
Sa anumang sitwasyon sa ating buhay, malakas man ang unos o hindi, at maging krisis man ang ating kinakaharap, makabubuting manatiling kalmado at pinapairal ang katwiran o isipan at hindi ang damdamin.
Ating laging pakatandaan: walang bagyong dumating na hindi umalis! Sa paglisan ng bagyo at sa muling pagsikat ng araw, may ngiti sa labing harapin natin ang isang maganda at bagong umaga.
No comments:
Post a Comment